Dalawang Empleyado ng DENR, Patay Matapos Gilitan!

Dinapigue, Isabela – Patay ang dalawang empleyado ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) matapos barilin sa paa, igapos ang mga kamay, laslasin ang leeg at ilibing ng mga hindi pa nakikilalang mga suspek sa kagubatan ng Brgy. Ayod, Dinapigue, Isabela.

Sa pakikipag-ugnayan ng RMN Cauayan kay PO3 Aldrich Cabalsa, imbestigador ng PNP Dinapigue, nagsagawa umano ng search and rescue operation sa naturang lugar ang grupo ng PNP Dinapigue, AFP at LGU sa pangunguna ni Mayor Reynaldo Derije makaraang ipinaabot ng anim na kasamahan ng mga biktima ang kanilang pagkawala habang patungo sa hangganan ng Dinapigue at Palanan Isabela upang maglagay ng mohon.

Aniya natagpuang nakalibing ang mga biktima ng brutal na pagpatay na sina Marcial Pattaguan, isang Forest ranger at Bronsel Impiel na isang dumagat sa nasabing lugar.


Sinabi pa ni PO3 Cabalsa na tinahak umano ng grupo ang short cut na daan at habang nasa  lugar ay nakarinig umano ng putok ng baril ang anim na kasamahan nina Pattaguan at Impiel habang nauna umano ang mga ito na may layong kinse hanggang bente metro ang layo sa kanilang kinaroroonan.

Dahil dito ay tumakbo  umano ang anim na empleyado ng DENR at bumalik sa dating daan at doon hinintay sina Pattaguan at Impiel ngunit hindi na umano bumalik ang dalawa kaya’t ipinarating na lamang nila ito sa himpilan ng pulisya.

Samantala dinala na sa Cynthia Funeral Services sa Dilasag Aurora ang mga labi nina Patagguan at Impiel habang patuloy ang imbestigasyon ng PNP Dinapigue Isabela hinggil sa nasabing pamamaslang.

Facebook Comments