
Pinaiimbestigahan na ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang insidente ng pambubugbog ng dalawang gwardiya sa isang menor de edad.
Nangyari umano ang insidente kagabi sa bahagi ng Pasig River Esplanade kung saan dalawang guard ng Intramuros administration ang nanakit sa isang menor de edad at nakuhanan ng video.
Kaugnay nito, inatasan ni Manila Mayor Isko Moreno si Manila Department of Social Welfare and Development Director Jay Dela Fuente at ang Manila Police District na magsagawa ng full scale investigation.
Pinakakasuhan din ang dalawang guwardiya sa pananakit sa menor de edad na kasalukuyan pa raw nagpapagaling sa ospital.
Ayon sa alkalde, ang trabaho ng gwardiya ay bantayan ang mga ari-arian at iba sa tungkulin ng pulis sa pagpapanatili ng kapayapaan.










