Kinilala ang mga suspek na sina Maribeth Rizal Tagatag, 35-taong gulang at Ber Angnganay Wandagan, 25-taong gulang.
Sa nakuhang impormasyon mula sa PNP Tabuk, personal na nagtungo sa kanilang himpilan ang nanay ng 15 anyos na babaeng biktima upang i-report ang kalagayan ng anak.
Ayon sa ina ng biktima, nawawala ang kanyang anak simula noong Hunyo 31, 2022 ngunit nitong Sabado lamang ay nakatanggap siya ng tawag mula sa nawawalang anak kung saan inilahad nito ang lokasyon at ang nangyari sa kanya pati na rin sa isa pang kasama.
Sa kwento ng dalagita, siya ay ni-recruit ni Tagatag para magtrabaho sa isang catering service ngunit pagdating sa Tabuk City, sila pala ay magtratrabaho bilang bar attendants.
Dagdag pa niya, pinipilit rin sila si Tagatag na makipagtalik sa kanilang mga customers habang ang isa pang suspek na si Wandangan ay pinipilit naman silang gumamit ng iligal na droga.
Agad naman rumesponde ang mga pulis na nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawang suspek at pagkakasagip ng dalawang menor de edad na babaeng biktima.
Sina Tagatag at Wandagan ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10364 o ang Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012.
Ang dalawang suspek ay dinala sa Tabuk CPS para sa dokumentasyon habang ang mga biktima naman ay dinala sa Kalinga Provincial Hospital para sa medical and physical examination.