DALAWANG LALAKI TIMBOG SA BUY-BUST OPERATION SA SAN FABIAN

Arestado ang dalawang lalaki matapos mahulihan ng hinihinalang shabu sa ikinasang buy-bust operation ng San Fabian Municipal Police Station (MPS) sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 1 noong umaga ng November 1, 2025.

Kinilala ang mga suspek na kapwa residente ng Dagupan City, Pangasinan.

Batay sa ulat ng pulisya, sinimulan ang operasyon bandang alas-sais y medya ng umaga at nagtapos bandang alas-otso y diez, na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek matapos magbenta ng ipinagbabawal na gamot sa isang poseur-buyer.

Nasamsam sa operasyon ang 0.35 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang tinatayang ₱2,380, nakapaloob sa dalawang heat-sealed na plastic sachet. Narekober din ang isang ₱500 bill na ginamit bilang marked money at isang itim na ID wallet.

Sa kasalukuyan, nakakulong na sa San Fabian Police Station ang mga suspek at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o Republic Act 9165. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments