Dalawang Miyembro ng PAG’s, Arestado Dahil sa Baril, Droga at Granada!

282

*Jones, Isabela- *Arestado ang dalawang lalaki na umano’y kasapi ng Private Armed Groups (PAG) kaninang alas syete y medya ng umaga matapos masamsaman ng iligal na bala’t baril, droga at granada sa inilatag na checkpoint ng mga otoridad sa Brgy Dibuluan, Jones, Isabela.

Kinilala ang dalawang naaresto na sina Wilfred Betita alyas “Wilson” at Jessie Pascual na kapwa residente ng Brgy. Sta. Isabel sa naturang bayan.

Batay sa report ng PNP Jones, isang impormasyon ang natanggap ng mga ito mula sa isang concerned citizen na sinasabing ang dalawa ay may dalang baril, pampasabog at droga habang sakay ng isang motorsiklo patungong kabayanan ng Jones.


Agad na naglatag ng checkpoint ang pinagsanib na pwersa ng Regional Intelligence Division 2 (RID2), Regional Drug Enforcement Unit (RDEU), 3rd Platoon ng Isabela Provincial Mobile Force Company (IPMFC) at ng PNP Jones sa Barangay Dibuluan, Jones, Isabela.

Nang maispatan ng mga otoridad ang sinasakyang motorsiklo ay agad na pinara at pansamantalang huminto ang sinasakyan ng mga suspek subalit nang lapitan na ng mga otoridad ay agad na humarurot papalayo ang motorsiklo kaya’t agad na hinabol ng mga kapulisan hanggang sa makorner ang mga ito sa nabanggit na barangay.

Narekober mula sa pag-iingat ng mga suspek ang isang Caliber 45, dalawang granada, ilang sachet ng shabu at marijuana, ilang mahahalagang dokumento, ilang pangalan ng mga personalidad at kandidato na target umano ng mga suspek na patayin batay sa mga ebidensyang nakuha sa pag-iingat ng mga suspek.



Sa ngayon ay nasa pag-iingat na ng PNP Jones ang dalawang suspek at patuloy na iniimbestigahan habang inihahanda ang mga kaukulang kaso na isasampa laban sa mga suspek.

Facebook Comments