Ipina-cite in contempt ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang team leader at isa sa anim na pulis Navotas na sangkot sa pagpatay sa menor de edad na si Jemboy Baltazar matapos mapagkamalang suspek na kanilang tinutugis.
Sa pagdinig ng Senado, nagmosyon si Senator Risa Hontiveros na ipa-contempt ang team leader ng operasyon na si Police Capt. Mark Joseph Carpio at si Police Staff Sergeant Gerry Maliban, isa sa anim na pulis na unang nagpaputok sa tubig nang tumalon ang binatilyo mula sa bangka.
Ginawa ni Hontiveros ang mosyon dahil tumatanggi si Maliban na sagutin ang mga tanong ng mga senador at pabago-bago at nakakalito naman ang pahayag ni Carpio patungkol sa nangyari sa operasyon at pagkamatay ni Baltazar.
Agad namang sinegundahan ni Senator Raffy Tulfo ang mosyon ni Hontiveros sabay inaprubahan ni Public Order Committee Chairman Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang pagpapacite-in-contempt sa dalawang pulis.
Uminit ang diskusyon sa pagdinig matapos na maguluhan ang mga miyembro ng komite sa pahayag ng team leader ng grupo.
Noong una, sinabi ni Carpio na mayroon silang intelligence report na andoon sa naturang lugar sa Navotas ang murder suspect na kanilang pinaghahahanap na si Reynaldo Bolivar at napagkamalan lamang si Baltazar dahil magkamukha raw ito.
Itinuro din ni Carpio si Maliban na unang nagpaputok sa tubig nang tumalon si Jemboy.
Pero sa bandang huli ng pagdinig ay iba na ang sinasabi ni Carpio at ang kanyang iginigiit ay hindi nila nakitang tumalon si Jemboy sa bangka.
Sinabi pa ni Carpio sa mga senador na si Sonny Boy na kasama ni Baltazar sa bangka ang nagsabi lang sa kanila na tumalon si Jemboy sa tubig.
Samantala, si Maliban naman nang matanong ni Dela Rosa kung nagpaputok sa tubig nang makita tumalon si Jemboy ay naghayag ito ng pag-invoke sa kanyang right against self-incrimination.
Sina Carpio at Maliban ay mananatiling naka-detain sa Senado hanggang sa magdesisyon ang komite na i-lift ang kanilang desisyon.