Sugatan ang dalawang tauhan ng Louisville Metro Police Department matapos na barilin sa gitna ng kilos protesta hinggil sa naging desisyon ng korte sa kaso ng black American woman na si Breonna Taylor.
Sa pahayag ni Interim Police Chief Robert Schroeder ng Louisville Metro Police, nasa maayos ng kalagayan ang dalawa nilang tauhan habang nasa kustodiya na din nila ang suspek sa pamamaril.
Nabatid na sumiklab ang kaliwa’t kanang kilos protesta nang maglabas ng desisyon ang korte sa kaso ni Taylor na napatay ng mga pulis ng Louisville sa isang operasyon.
Napag-alaman na isa lamang sa tatlong pulis na responsable sa pamamaril at pagpatay kay Taylor ang nasampahan ng kaso kaya’t ikinagalit ito ng ilang mga aktibista na planong magsagawa ng mas malawak na kilos protesta sa Atlanta, New York, Philadelphia at Washington.