
Arestado ang apat na indibidwal matapos umano’y mangloko at tangayan ng alahas ang dalawang senior citizen sa isang “budol-budol” scheme sa Mabini, Pangasinan noong gabi ng April 9, 2026.
Kinilala ang mga biktima bilang isang 71 anyos na lalaki at 73 anyos na babae, kapwa residente ng nasabing bayan. Ayon sa ulat, bandang alas-7:40 ng gabi nang madiskubre ang insidente at agad itong ini-report sa Mabini Municipal Police Station (MPS) sa pamamagitan ng tawag sa cellphone.
Sa paunang imbestigasyon, nagpanggap umano ang mga suspek bilang mga tauhan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Regional Office at nangakong bibigyan ng “ayuda” ang mga biktima. Nahikayat ang mga ito na ibigay ang kanilang dalawang kuwintas na tinatayang nagkakahalaga ng ₱150,000 kapalit ng nasabing tulong.
Matapos makuha ang alahas, mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng isang kulay abong sasakyan. Gayunman, agad silang na-intercept ng mga operatiba ng Alaminos City Police Station (CPS).
Ang mga naarestong suspek ay kinabibilangan ng isang 28 anyos na lalaki mula Muntinlupa City; 38 anyos na lalaki mula Zambales; 26 anyos na lalaki mula Pampanga; at 36 anyos na babae mula Zambales.
Dinala ang mga ito sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang disposisyon habang inihahanda na ang pagsasampa ng kasong swindling laban sa kanila. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










