Dalawang suspek na nagpapakalat ng pekeng pera nahuli sa Cebu

Naaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at mga tauhan ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang dalawang suspek dahil sa pagpapakalat ng pekeng pera sa Cebu.

Batay sa report ni Police Major General Albert Ignatius Ferro, Director ng PNP CIDG, kinilala ang mga suspek na sina Ivan Noval Luardo, 35 anyos na nakuhaan ng 88,000 pesos na halaga ng tig-iisang libong piso at limang dang piso.

At si Joseph Mercado Salas, 36 anyos na nakuhanan ng 24, 000 pesos na halaga ng tig-1, 000 at 500 piso.


Ikinasa ang operasyon kasunod ng impormasyon at mga reklamo na dumarami na ang mga pekeng tig-1000 at 500 piso sa Cebu.

Napatunayan sa inspeksyon ng mga tauhan ng BSP na walang kaukulang mga security features ang mga nakumpiskang pera.

Batay sa impormasyon ng CIDG, inihahanda na umano ang mga nasabing pekeng pera habang nalalapit ang 2022 Election.

Sa ngayon nakakulong na ang mga suspek at nahaharap sa kasong kriminal.

Facebook Comments