Naaksidenteng Riding-In-Tandem, Naaresto sa Ospital!

Gonzaga, Cagayan – Naaresto ng PNP Sta. Teresita, Cagayan ang dalawang suspek ng pamamaril na naganap sa Gonzaga, Cagayan matapos maaksidente ang sinakyang motorsiklo kahapon.

Kinilala ang dalawang gunman na sina Ian Tupag, bente dos anyos, walang asawa at residente ng Block 9 Lot 8, Barangay Fatima, Dasmariñas, Cavite at si Solomon Rosete, dalawampu’t siyam na taong gulang, may asawa, isang magsasaka at residente ng Barangay Cabiraoan, Gonzaga, Cagayan.

Nadakip ang mga suspek matapos maaksidente ang sinakyang motor sa Sta. Teresita na nirespondehan ng kapulisan at dinala sa pagamutan na siya ring pinagdalhan ng  biktima na binaril ng dalawang suspek.


Mula sa pagamutan ay nakumpirma ng PNP Gonzaga ang dalawang suspek ng pagpatay na kaagad na ipinaabot  sa PNP Sta. Teresita upang arestuhin sina Tupag at Rosete.

Kinilala naman ang biktima na si Lorigel Caban, tatlumpu’t pitong taong gulang, walang asawa at residente sa nasabing lugar kung saan ay nagtamo ng dalawang tama ng bala ng caliber 45 sa kanang bahagi ng dibdib at sa mukha na naging sanhi ng ikinasawi nito.

Samantala inihahanda na PNP Gonzaga ang kasong pag-patay laban sa dalawang suspek.

Facebook Comments