Jones Isabela- Pansamantalang pinalaya ng mga awtoridad ang dalawang suspek na kusang sumuko sa mga alagad ng batas matapos na hindi na pasok sa inquesable proceeding ang dalawa na sina Rodel Pascual at Jayson Leaño na pawang residente sa Sta Isabel, Jones. Isabela.
Batay sa nakuhang impormasyon ng RMN Cauayan mula sa Isabela Police Provincial Office sa pamamagitan ni P/Col. Mariano Rodriguez, Isabela PNP Director. Kanyang sinabi na kanilang pinakawalan pansamantala ang dalawa matapos bumagsak sa regular filling ang mga kasong kanilang isinampa na Arson, Serious Illegal Detention at Robbery.
Dagdag pa nito na sa oras na lumabas ang mga mandamiento de aresto ng mga suspek ay agad din nilang aarestuhin kung makikitaan ng hukuman ng probable cause ang mga isinampang kaso laban sa dalawa.
Magugunita na kusang sumuko ang mga suspek sa himpilan ng PNP Jones matapos na mapag alaman na damay sila at itinuturong suspek sa pagharang sa dumptruck na kinalululanan ng mga electoral board kasama ang mga balota at VCM na kung saan ay sinunog ng mga suspek kasama ang limang pang mga suspek na hindi parin pinapangalan ng mga awtoridad.
Bukas ay isasagawa naman ang special election sa Dicamay Uno at Dicamay Dos matapos ideklarang failure ang naging halalan sa nabanggit na mga lugar dahil sa insidente ng pagsunog sa vcm at mga balota.