Dalawang tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau, arestado sa pangingikil

Kalaboso ang dalawang tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) matapos mangikil ng pera sa isang motorcycle driver.

Nakilala ang mga nadakip na sina Teodoro Tomas at Eddie Peralta.

Sa imbestigasyon ng Ermita Police Station, ikinuwento ng motorcycle driver na si Ariel Garcia pinara siya ng dalawang MTPB personnel sa hindi pa malamang dahilan.


Nang makalapit sa kaniya, dito na sinabi ng dalawa na lumabag siya sa batas trapiko tulad ng Reckless Driving at walang hawak na Certificate of Registration ng kaniyang motorsiklo.

Dito na kinuha ng dalawang traffic personnel ang kaniyang lisensiya saka sinabing mababawi lamang ito sa halagang P1,000.

Dahil walang hawak na pera, sinabi ng biktima na babalik na lamang siya hanggang sa makasalubong ang nagpa-patrolyang mga pulis kaya’t dito siya humingi ng tulong.

Agad na ikinasa ang entrapment operation kung saan nang tanggapin ang pera ay dito na inaresto ang dalawang tauhan ng MTPB.

Facebook Comments