Ilagan City, Isabela – Sa huling araw ng Bambanti Festival patuloy na pinaigting ng PNP Traffic Management ang mga ipinatutupad na batas trapiko.
Sa naging panayam ng RMN Cauayan News Team kay PCR/PSI Esem Galiza ng Cauayan PNP, kanyang ibinahagi na mahigpit ang ginawang pagtutok ng PNP sa kaayusan at daloy ng trapiko partikular sa mga paradahan ng mga pampasaherong sasakyan.
Naglagay umano sila ng mga pulis sa bawat bahagi ng kalsada upang imonitor ang mga hindi sumusunod sa batas trapiko at upang mabantayan ang seguridad ng publikong nakikisaya sa pagdiriwang.
Ayon kay PSI Galiza, pinapatawan din ng kaukulang parusa ang mga pasaway na drayber base sa nagagawang paglabag ng mga ito.
Pinostehan din aniya ng kalpulisan ang Bambanti Village upang masiguro ang seguridad at kaligtasan ng mga tao.
Sa pagtatapos ng nasabing Festival, naging matagumpay naman umano ang ginawang pagtutulungan at pagbabantay ng buong kapulisan sa lalawigan matapos walang maiulat na anumang insidente ng karahasan sa ginanap na pagdiriwang.