*Cauayan City, Isabela-* Nasa isang daang porsiyento ang paniniwala ni Ginoong Isabelo Adviento, tagapagsalita ng Danggayan Dagiti Mannalon sa Cagayan Valley na sangkot ang militar sa pagpaslang kay National Democratic Front of the Philippines (NDFP) peace consultant Felix Randy Malayao.
Ito ay dahil sa wala umanong ibang tumutuligsa kay Malayao kundi ang militar na nag-akusang kasapi ito ng New People’s Army (NPA).
Taliwas din ang paniniwala ni Ginoong Adviento sa umano’y pahayag ng militar na posibleng mga kasapi rin ang NPA pumatay kay Malayao.
Aniya, sinasabi lamang ng militar na NPA ang pumaslang kay Malayao upang mapagtakpan ang kanilang mga ginagawang karahasan sa mamamayan.
Hindi rin anya nawawala ang mga negatibong paninira na ibinabato kay Malayao sa kabila na pumanaw na nito.
Samantala, hinamon naman ng pamunuan ng 5th Infantry Division, PA ang mga grupo o kilusan na maglabas ng ebidensya hinggil sa kanilang mga paratang na militar ang nasa likod ng pagpatay kay Malayao.
Ayon kay Major Jefferson Somera, pinuno ng Division Public Affairs Office (DPAO) 5thID, PA, mas mainam anya na hintayin muna ang resulta ng imbestigasyon ng PNP bago magparatang.
Sa kabila nito, nakikiramay pa rin ang pamunuan ng 5th ID sa pamilya ni Malayao at nais din lamang kasundaluhan na malutas ang naturang kaso upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng naturang peace consultant.