Syria – Pinakikilos ni ACTS OFW Partylist Rep. John Bertiz ang Middle East Emergency Response team matapos ang pag-atake ng Amerika bunsod ng chemical attack ng Syrian government sa sariling bansa.
Ayon kay Bertiz, dapat ay aktibo ang Emergency Response Team sa gitnang silangan dahil marami ang mga Pilipino na naroroon.
Aabot pa aniya sa mahigit 1,000 mga Pilipino ang nasa Syria kung saan ang iba doon ay hindi pa na-evacuate at ang iba ay nakapag-asawa ng Syrian nationals.
Nakakagulat din aniya dahil may mga OFWs na nakapunta pa rin sa Syria sa kabila ng Alert Level 4 na ipinatupad noon sa nasabing bansa.
Ibig sabihin, hindi aniya namonitor noon ang pag-alis ng mga OFWs sa Syria at ngayon ay dapat na umaksyon ang ating emergency response team habang wala pang Pilipinong nadadamay sa mga pag-atake sa Syria.
Kinalampag pa ng kongresista ang pamahalaan na kumilos na ngayon at huwag maging reactionary na kapag may nadamay nang Pilipino ay saka pa lamang kikilos.