DAPAT IPALIWANAG | Iba pang packages ng TRAIN law, kailangang ipaliwanag ng mabuti ng pamahalaan sa mga mambabatas

Manila, Philippines – Inamin ng Pamahalaan na kailangang maipaliwanag na mabuti ng Pamahalaan sa mga mambabatas partikular sa mga Senador ang ikalawang package o ikalawang bahagi ng Tax Reform Acceleration and Inclusion o TRAIN Law.

lumalabas kasi na malamig ang pagtanggap ng mga Senador sa 2nd phase ng TRAIN Law na isusumite ng ehekutibo bago matapos ang Hulyo sa Kongreso para maisabatas.

Ayon kay Finance Assistant Secretary Tony Lambino, kailangan nilang maipaunawa sa mga mambabatas na kailangang maipasa ang 2nd phase at iba pang TRAIN law packages dahil malaki ang magiging pakinabang ng mga Pilipino dito.


Paliwanag ni Lambino, kung maipapasa ang mga packages ng TRAIN law ay magkakaroon ng pondo ang pamahalaan para matustusan ang mga malalaking nakalinyang infrastructure projects ng Pamahalaan.
Bukod pa aniya ito sa panukalang pagkakaroon ng 14th month pa ang mga kawani ng Gobyerno at Universal Health Care.

Dag-dag pa ni Lambino, gumagastos ang Pamahalaan ng 50 bilyong piso kada buwan at 30% nito ay napupunta sa pangsweldo ng mga Construction Workers.

Tiniyak naman ni Lambino na walang dapat ikabahala ang mga mambabatas dahil mapupunta naman sa tama at hindi mapupunta sa bulsa ng ninoman ang buwis na makokolekta ng Gobyerno mula sa TRAIN law.

Facebook Comments