Pinaalalahanan ng Department of Labor and Employment- Central Pangasinan ang lahat ng mga employers na sumunod sa tamang pagbibigay ng daily minimum wage sa kanilang mga empleyado dito sa probinsya ng Pangasinan, alinsunod na rin sa bagong wage order na ipinapanukala ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB).
Ayon kay Labor Communications Officer- II ng DOLE- Central Pangasinan, Panfilo Dioquino, sa ilalim ng Wage Order No. RB1-19 ay nakasaad na sino mang employer na hindi susunod sa nasabing panukala ay papatawan ng multang P25, 000 hanggang P100, 000 o hindi bababa sa dalawa hanggang apat na taon o parehong multa at pagkakakulong ang maaaring matanggap ito ay batay na rin sa provision ng Section 12 ng Republic Act 6727 as amended by RA 8188.
Epektibo noong Enero 25 na dapat lamang umanong bigyan ng dagdag na P30 ang mga empleyado ng malalaking non-agriculture establishment at papatawan naman ng dagdag na P20 ang mga nagtatrabaho sa mga hindi kalakihan na mga establisyimento habang ang mga nasa maliliit na establisyimento at mga nasa sector ng agrikultura (Plantation and Non-Plantation) ay inaasahan namang magkakaroon din ng dagdag na P13.
“Sa ating mga empleyado na di nakatanggap ng increase pwede tayong magpunta sa DOLE office,” pahayag ni Dioquino sa mga empleyado na magkaroon ng lakas na loob upang ireport ang anumang anomalyang ginagawa ng kanilang kompanya.
Dagdag pa nito sa programang “Pantontongan Tayo” ng Philippine Information Agency, “Hindi natin maiiaalis yong takot ng mga empleyado, pero in case may problema narito po ang DOLE. Magkaroon po sana sila ng lakas ng loob na magreport para matulungan po sila ng DOLE at para maitama ang mga maling gawain ni employer.”
Ayon kay Dioquino, ang mga opisina ng DOLE sa mga probinsya ay regular na nagsasagawa ng inspeksyon sa mga kompanya at establisyimento para makita kung may mga hindi pa rin sumusunod sa nasabing provision sa labor code at wage order.
Gayunpaman, ang RTWPB ay mag-iikot sa Ilocos region upang maglahad ng mga impormasyon patungkol sa daily minimum wage rate. Kamakailan nga ay nagsagawa ang RTWPB ng wage orientation sa humigit 200 employers at human resources personnel mula sa iba’t-ibang kompanya sa Pangasinan.
Based on PIA-1, Pangasinan PR