Ipinaliwanag ni Daryl Ong kung bakit hindi na siya lumalabas sa ABS-CBN shows bago pa man ang shutdown ng network noong Mayo.
Sa vlog ng singer-songwriter sa YouTube nitong Lunes, sinabi niyang nakaramdam siya ng pangangailangan na magpaliwanag matapos magulat ang fans sa guesting ng BuDaKhel (tawag sa kanilang tatlo nina Bugoy Drilon at Michael Pangilinan) sa GMA.
Paglilinaw ni Ong, hindi siya umalis — “tinanggal” at “na-ban” daw siya sa Kapamilya network dahil sa isa niyang komento tungkol sa franchise renewal.
Kuwento niya, naghihintay sila nina Drilon at Pangilinan sa airport para sa kanilang show sa Iloilo nang mapag-usapan ang tungkol sa prangkisa, kasama ang isa pang dating empleyado ng ABS-CBN.
Nabanggit daw ni Drilon ang tungkol sa online petition na nangangalap ng isang milyong signatures para sa franchise renewal ng network.
“Parang sabi ni Bugoy na 60,000 na lang ‘yung kulang para mabuo yung one million. Ako naman nakita ko rin ‘yun. Ang pagkakakita ko naman, 60,000 pa lang yung nagsa-sign. So sabi ko kay Bugs, ‘Hindi 60,000 na lang, 60,000 pa lang at anong petsa na…’” aniya.
“Tapos nagdagdag ako ng comment na, sabi ko, ‘Naku malabo na ‘yan, mahirap ‘yan, kalaban ba naman nila ang gobyerno, si Presidente ba naman ang kalaban, so malabo na ‘yan’,” dagdag niya.
Matapos ang kanilang show sa Iloilo, nakatanggap sila ng tawag sa kanilang manager na nagbalitang nakarating sa isa sa mga big boss ng ABS-CBN ang kuwentuhan nila sa airport na sikreto palang ni-record ng katabi nilang lalaki.
“’Yung guy na nag-record sa convo namin about franchise issue, nagkataon na kaibigan pala ng isa sa mga big boss sa ABS-CBN. So apparently, pinarinig ‘yung recording at ang dating sa kanila wala kaming utang na loob or parang pinag-uusapan namin yung franchise issue and it seems na wala daw kaming concern,” saad ni Ong.
Hindi rin daw sila pinagbigyan na mapakinggan ang recording na ipinadala sa boss para sana makapagpaliwanag.
Pagbalik sa Manila, saka sila sinabihan ng kanilang manager na hindi na raw sila puwedeng lumabas sa kahit anong ABS-CBN show.
“’Daryl banned kayo ni Bugoy sa ABS-CBN.’ Meron ng batas na bawal na kami lumabas sa lahat shows ng ABS-CBN,” aniya.
“Ang dating sa akin, personally, ang impression sa kanila is kumakampi kami sa fact na hindi mare-renew yung license. So, hindi na kami nabigyan ng chance magpaliwanag,” dagdag niya.
Aminado naman si Ong na nadismaya sa hindi pagbibigay sa kanila ng pagkakataon na magpaliwanag, pero iginiit niya na malaki pa rin ang kanyang pasasalamat sa network.
“Wala po akong karapatan na hindi maging mapagpasalamat dahil sila naman talaga ang nagbigay ng opportunity sa akin bilang artist na makatawid sa mainstream. Kaya habang buhay kong ipagpapasalamat yun,” aniya.
Wala pa namang pahayag ang ABS-CBN sa ibinunyag ng singer.