Dating “Amazona” na may kasong multiple attempted at frustrated murder, naaresto sa Surigao Del Norte

Naaresto sa isinagawang manhunt operation ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) – Surigao Del Norte Provincial Field Unit ang isang dating “Amazona” sa bisa ng Warrants of Arrest para sa kasong multiple attempted murder at frustrated murder sa Surigao Del Norte.

Kinilala ang akusado bilang alyas “Hannah,” 27 taong gulang, at isang dating miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) na nagsilbi bilang Platoon Medic ng isang teroristang grupo.

Ang akusado ay kabilang sa listahan ng Periodic Status Report of Listed Target Groups (PSRLTG) para sa ika-4 na Quarter ng 2023 ng Armed Forces of the Philippines.

Ayon sa ulat, noong 2022, si Hannah at ang walong iba pa nitong kasamahan ay nagpaputok umano sa mga otoridad gamit ang mga high-powered na armas, na nagresulta sa muntikan nang pagkasawi ng isang sundalo, na agad ding nabigyan ng lunas.

Ayon sa CIDG, ang pagkakahuli sa dating miyembro ng CTG ay nakatulong upang makamit ang hustisya para sa nasabing biktima at nakaambag sa tagumpay ng pamahalaan laban sa mga terorista.

Tiniyak naman ng CIDG na patuloy nilang hahanapin ang mga kriminal, wanted persons, at mga pugante sa buong bansa.

Facebook Comments