Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Atty. Armando Velasco, dating COMELEC Commissioner, hindi aniya dapat idaan sa social media o pag-awayan sa harap ng publiko ang kanilang paglalabas ng desisyon sa mga inihaing disqualification cases kay BBM.
Kasunod ito ng pagbibigay ng deadline ni Guanzon ngayong Lunes, Enero 31, 2022 kay Comm Ferolino para sa paglalabas ng resolusyon sa disqualification cases ng tumatakbong Presidente.
Nakatakda kasing magretiro sa pwesto si Guanzon sa Pebrero 2, 2022 na kung saan ay hindi na mabibilang o wala ng saysay ang kanyang boto na pabor siyang i-diskwalipika ang kandidatura ni Bongbong Marcos sa 2022 elections kung hindi pa lalabas ngayon ang desisyon ng Division sa naturang kaso.
Ayon pa kay dating COMELEC Commissioner Velasco, walang problema sa pagbibigay ng deadline ni Guanzon kay Ferolino subalit kadalasan kasi aniya ay hindi rin ito nasusunod.
Inihayag din ni Velasco na hindi na dapat pinapatagal ang paggawa ng resolusyon lalo kung napag-aralan naman ang kaso kung kayat dapat na rin i-promulgate ang kanilang desisyon.
Dapat aniyang pag-usapan sa pribado ang naturang usapin at maging propesyunal pa rin aniya upang hindi masira ang imahe ng institusyon.
Umaasa naman si Atty. Velasco na mailabas din ngayong araw ang hatol sa disqualification cases ng dating senador.
Samantala, sinabi pa ni Atty. Velasco na kung ano man ang magiging hatol ng COMELEC ay marami pa aniyang dadaanan ang disqualification cases ni BBM gaya sa Supreme Court.