Dating DENR Chief Gina Lopez, pumanaw na

506

Kinumpirma ng pamunuan ng ABS-CBN na sumakabilang buhay na si dating Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Regina Paz “Gina” Lopez, nitong Lunes, sanhi ng multiple organ failure.

Matatandaang nakikipaglaban si Lopez, 65, sa sakit na brain cancer.


Ang namayapang kalihim ay kilala bilang environment advocate at pinuno ng ABS-CBN Foundation.

Narito ang kabuuang pahayag ng naturang istasyon sa pagpanaw ni Lopez:

“Lubos na nagdadalamhati ang ABS-CBN sa pagpanaw ng chairman ng ABS-CBN Foundation na si Regina Paz ‘Gina’ Lopez.

“Sa pagpanaw ni Gina, kasamang namaalam ang isang maalab na tagapangalaga ng karapatan at proteksyon ng mga bata, masugid na tagapagsulong ng kabuhayan ng mga kapus-palad, at isang matibay na pundasyon ng pangangalaga sa kalikasan.

“Ang walang-pagod niyang pagsusulong sa mga adbokasiyang ito ang naging dahilan para mabuo ang Bantay Bata 163, Bantay Kalikasan, at iba pang programa sa ilalim ng ABS-CBN Foundation. 

“Bago siya nagsilbi bilang chairperson ng Pasig River Rehabilitation Commission at kalihim ng Department of Environment and Natural Resources, isinulong din niya ang hindi mabilang na mga kampanya at proyekto, kabilang na ang Kapit Bisig Para sa Ilog Pasig, No To Mining in Palawan, La Mesa Watershed reforestation, at ang TV program na G Diaries – na lahat ay nag-iwan ng hindi malilimutang pagbabago sa mga komunidad.

“Si Gina ang sandigan ng lakas na nagtulak sa AFI na maisagawa ang mga bagay na tila ba imposible. Ang puso at pagmamahal niya ang nagbigay ng inspirasyon sa mga tao sa loob at labas ng organisasyon na tumulong at magsilbi sa kapwa.

“Kasabay ng aming pakikiramay sa pamilya at mahal sa buhay ni Gina, ipinagdarasal din namin na manatiling buhay ang kanyang alaala sa puso ng bawat Kapamilya.

“Hindi namin siya malilimutan at patuloy naming tatanawin ang kanyang mga kontribusyon hindi lamang sa ABS-CBN, kundi sa buong bansa.

“Maraming salamat Gina, sa pagpapakita sa amin kung paano mabuhay nang naglilingkod sa Pilipino.”

Nag-abot din ng pakikiramay si Mark Lopez, kasalukuyang chairman ng ABS-CBN, sa pagkawala ng environmentalist at kaniyang pinsan.

“Today, we lost not just a family member but a person we deeply admire and respect.

“At an age when people are just figuring out what they want to do in life, she already knew her purpose. She left a comfortable life to devote her time and energy to help uplift other people’s lives,” pahayag pa ni Mark Lopez.

Si Gina ay kabilang sa pitong anak ni Eugenio “Geny” Lopez Jr. at kapatid ni ABS-CBN Chairman Emeritus Gabby Lopez.

Taong 2016, itinalaga siya ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang kalihim kung saan nakikibaka siya sa mga malalaking kompanya ng pagmimina.

Kahit na-reject ng Commission on Appointments (CA), tuloy pa rin si Lopez sa kaniyang adbokasiya para pangalagaan ang kalikasan.

Facebook Comments

From Advertisers