Dating DPWH Sec. Rogelio Singson, isiniwalat ang dahilan ng pagbibitiw sa ICI

Isiniwalat ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Rogelio “Babes” Singson ang dahilan ng kanyang pagbibitiw mula sa Independent Commission for Infrastructure (ICI).

Ito’y kasunod ng mga kumakalat na balita sa social media na nagsasabing nasusuka na siya at hindi nagugustuhan ang imbestigasyon na isinasagawa sa ICI, kaya’t nag-submit siya ng irrevocable resignation.

Ayon kay ICI Commissioner Rogelio “Babes” Singson, siya’y labas-masok sa ospital, sumasailalim sa medical check-ups, at sa kauna-unahang pagkakataon, pinaiinom na siya ng maintenance medication para sa kanyang puso, mataas na blood pressure, at cholesterol.

Dagdag pa ni Singson, hindi sanay ang kanilang pamilya sa labis na stress at sa mga security threats na nakakaapekto sa kanilang kaligtasan.

Samantala, umapela rin si Singson sa Kongreso at Senado na sana, bago matapos ang taon, ay magkaroon na ng mas malaking awtoridad ang ICI sa pag-iimbestiga sa anomalya sa flood control projects, lalo’t wala pa ring kapangyarihan ang komisyon hanggang sa ngayon.

Ngunit giit niya, paano maipapasa ang mga batas kung ang mga nakaupo sa gobyerno ang mga iniimbestigahan.

Naniniwala naman si Singson na nagawa na niya ang mga kailangang hakbang para sa Independent Commission, at paglilinaw na walang political pressure at wala ring natatanggap na security o death threats.

Bagama’t irrevocable ang kanyang pagbibitiw, nangako siya sa komisyon na magiging available siya sakaling kailanganin pa ang kanyang serbisyo.

Facebook Comments