Sugatan ang dating Executive Assistant ni dating Basilan Gobernador Jum Akbar matapos itong pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Barangay Canelar sa Zamboanga City.
Kinilala ang biktima na si Farouk Majirul, residente ng Isabela City, Basilan.
Batay sa ulat, galing umano sa kasalan ang biktima at nagmamaneho ito ng kaniyang sasakyan kasama ang pamilya papunta na sana sa isang hotel na pansamantala nilang tutuluyan nang bigla na lamang umano itong pinagbabaril ng suspek kung saan nagtamo ito ng ilang tama ng bala sa katawan at maswerteng hindi tinamaan ang asawa at mga anak nito.
Sa panayam naman ng RMN Zamboanga sa anak ng biktima, iginiit nitong may pagbabanta na sa buhay na natatanggap ang kaniyang ama noong ito ay manilbihan bilang Executive Assistant ng dating gobernadora.
Sa kasalukuyan, patuloy ang ginagawang malalimang imbestigasyon ng kapulisan patungkol sa nasabing insidente.