Nilinaw ni dating House Committee on Constitutional Amendments Chairman Alfredo Garbin Jr., na sa loob ng mahabang panahon ay ang House of Representatives ang totoong nangunguna sa pagsusulong na maamyendahan ang mga economic provisions sa ating Saligang Batas.
Sinabi ito ni Garbin kasunod ng pahayag ni Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri na inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang Senado na manguna sa pag-amyenda ng economic provisions ng 1987 Constitution.
Paalala ni Garbin, na dating kinatawan ng Ako-Bicol Party-list, noon pang 18th Congress ay pinagtibay na ng Kamara ang Resolution of Both Houses No.2, para sa panukalang amyenda sa economic provisions ng Konstitusyon.
Ayon kay Garbin, nai-transmit na sa Senado pero walang nangyari dahil inupuan lamang.
Sabi ni Garbin, ngayong 19th Congress ay kinahon at inupuan umano muli ng Senado ang isinusulong ng Kamara na Constitutional Convention para talakayin ang economic amendments sa ating Constitution.
Giit ni Garbin, lumambot lang naman ang Senado sa Charter Change (Cha-Cha) matapos na kausapin ni Pangulong Marcos si Zubiri at iba pang senador.
Sabi pa ni Garbin, ang nangyari ngayon ay parang ipinatawag ng principal ang Senado at inatasang gumawa ng kanilang assignment at homework.