Cauayan City, Isabela- Patay ang isang dating OFW makaraang tumalon sa cell site ng isang telecommunication company kahapon sa Barangay District 1, Benito Soliven, Isabela.
Kinilala ang biktima na si Jerome Kervy Mapilisan, 37-anyos at residente rin sa nabanggit na lugar.
Sa panayam ng iFM Cauayan kay PCpt. Krismar Angelo Casilana, hepe ng PNP Benito Soliven, batay sa ginawang pakikipag-ugnayan sa pamilya ay kumpiyansa umano ang mga ito na walang foul play sa nangyaring pagtalon ni Mabilisan mula sa higit 20 talampakang cell site tower.
Lumalabas rin sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, posibleng depresyon ang nagtulak sa biktima na gawin ang pagtalon batay na rin sa iniwang ‘suicide note’ ng biktima na tila pagpapaalam.
Nabatid rin na may hindi pagkakaunawaan ang biktima at kanyang misis sa hindi pa mabatid na dahilan. Gayundin, nakasaad rin umano sa isang text message na ayaw ng maging alagain pa ng kanyang mga magulang ang biktima dahil sa kanyang sitwasyon.
Nagawa pang isugod sa ospital ang biktima subalit idineklara na itong dead on arrival ng sumuring doktor.
Paalala naman ng pulisya na kapag nakakaranas ng depresyon ay mangyaring sumangguni sa mga eksperto o di kaya ay ibaling sa mga mahahalagang bagay ang pinagdadaanan na higit na makatutulong para makaiwas sa depresyon.
Facebook Comments