Cited in contempt at pinaaaresto ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Senator Richard Gordon si dating Presidential Adviser at Chinese businessman na si Michael Yang.
Dinala ng Senate Office of the Sergeant-at-Arms ang subpoena sa address nito sa 19 Narra Avenue South Forbes Park, Makati City ngunit hindi tinanggap ng staff na nasa bahay dahil wala raw doon si Yang.
Sa dokumentong nakalap ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, ang bahay nito sa Forbes Park ay inuupahan sa halagang kalahating milyong piso kada buwan mula noong 2017 hanggang 2022.
Bukod dito ay cited in contempt at pinaaaresto rin ang 5 opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corporations na sina Mohit Dargani, Twinkle Dargani, Lincoln Ong, Crisel Grace Yu Mago, at Justine Garrado.
Napag-alaman ng Blue Ribbon Committee na umalis patungong Dubai si Mohit Dargani noong August 18, 2021, habang ang iba naman ay wala sa address nila.
Ang Pharmally Corporation ang sinasabing binilhan ng umano’y overpriced na face mask, PPE at iba pang medical supplies ng Procurement Service of the Department of Budget and Management (DBM) na pinamumunuan noon ni Undersecretary Lloyd Christopher Lao.
Virtual na umattend si Lao sa hearing ngayon habang nasa kanyang bahay sa Davao.
Umattend din sa hearing ngayon ang Chairman ng kompanya na si Huang Tzu Yen habang nasa Singapore.