Dating Rep. Zaldy Co, hindi dapat bigyan ng mga clearance ng Kamara at iba pang ahensya ng pamahalaan

Iginiit ni Kamanggagawa Party-list Representative Eli San Fernando sa Kamara, gayundin sa National Bureau of Investigation (NBI), at iba pang kaukulang ahensya ng gobyerno na huwag bigyan ng clearance at iba ang kaparehong dokumento si dating Rep. Elizaldy Co.

Sa inihaing House Resolution No. 435 ay iginiit ni San Fernando na hindi dapat mabigyan ng clearance si Co, habang ito ay iniimbestigahan sa umano’y pagkakasangkot nito sa maanumalyang flood control projects.

Diin pa ni San Fernando na dapat din ay personal na mag-apply si Co ng clearance sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

Nabatid ni San Fernando na pinapa-ikot na sa mga departamento ng Kamara ang “accountability clearance” ni Co at tanging accounting department at Office of the Secretary General na lang ang hindi pumipirma dito.

Binanggit din ni San Fernando na may mga nakausap syang empleyado ng Kamara na tutol mabigyan ng accountability clearance si Co dahil magiging insulto ito sa institusyon at sa iba pang taga-gobyerno na tumutupad ng maayos sa kanilang tungkulin.

Facebook Comments