
Labis na ikinabahala ng kampo ni Vice President Sara Duterte matapos umano silang makatanggap ng mensahe bandang alas-11:19 ng gabi noong Nobyembre 16 mula sa account na pinaniniwalaang pag-aari ng isang dating household staff ng bise presidente.
Ayon sa pahayag, humihingi ng agarang saklolo ang dating staff at sinabing nasa kustodiya o kontrol umano siya ng ilang indibidwal na nagbanta sa kanyang buhay.
Idinagdag pa na pinipilit umano siyang lumagda sa isang dokumento ngunit tumanggi siya.
Inihalintulad ng kampo ng bise presidente ang insidente sa nangyari kay Jefry Tupas, na ayon sa kanila ay sinabihan umano ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) noong Setyembre 29 na may banta sa kanyang buhay bago umano tangkaing dalhin sa Maynila.
Sa kasalukuyan, sinabi ng kampo ni VP Duterte na hindi pa matiyak ang kinaroroonan at kalagayan ng naturang dating staff.
Iginiit din nila na posibleng bahagi ito ng umano’y patuloy na kampanya ng administrasyon laban sa bise presidente sa pamamagitan ng paggamit sa mga ahensya ng gobyerno, kabilang ang NBI, upang umano’y gipitin at pilitin ang mga indibidwal na tumestigo laban kay VP Sara Duterte.
Nanawagan ang kampo ng bise presidente na tiyakin ang kaligtasan at kalayaan ng naturang dating staff.
Wala pang pahayag ang NBI at iba pang kinauukulang ahensya kaugnay ng mga paratang.










