Tuesday, November 17, 2026

Ilang online content na nanghihimok ng karahasan sa mga kilos-protesta sa Metro Manila, na-detect ng CICC

Nagbabala ang Cybercrime Investigation and Coordinating Council (CICC) laban sa mga content online na nanghihikayat ng karahasan sa mga kilos-protestang ikinakasa sa Metro Manila kasabay ng 49th ASEAN Summit.

Ito ay matapos umanong ma-detect ng kanilang monitoring team ang ilang indibidwal na nagpo-post online upang isulong at manghikayat ng karahasan sa mga kilos-protesta.

Ayon kay CICC Executive Director Undersecretary Renato Paraiso, nirerespeto nila ang karapatan ng bawat isa sa freedom of expression, mapayapang pagtitipon, at panawagan sa gobyerno, pero hindi umano ito puwedeng gamiting dahilan para bigyang-katwiran ang panghihimok ng karahasan na maaaring magdulot ng takot at banta sa kaligtasan ng publiko.

Sa ngayon, sinusuri na ng ahensya ang mga na-detect na content at nakikipag-ugnayan na rin sila sa iba pang ahensya at sangay ng gobyerno para matiyak na mapapanagot sa batas ang mga indibidwal na sangkot sa nasabing mga online post.

Facebook Comments