
Bumisita sa ilang makasaysayang lugar sa Intramuros, Maynila si United Nations Secretary-General António Guterres sa gitna ng kanyang pagdalo sa 49th ASEAN Summit and Related Summits.
Kabilang sa mga pinuntahan ni Guterres ang San Agustin Church, Manila Cathedral at Museo del Galeón upang personal na makita ang mayamang kasaysayan at kulturang Pilipino.
Sinalubong si Guterres sa Manila Cathedral nina Cathedral Rector Monsignor Rolando dela Cruz at Father Vicente Gabriel Bautista.
Inilibot nila ang UN Secretary-General sa simbahan na kilala rin bilang Mother Church of the Philippines at ipinaliwanag ang kasaysayan at kahalagahan nito.
Binisita rin ni Guterres ang San Agustin Church na kabilang sa mga unang lugar sa Pilipinas na kinilala bilang UNESCO World Heritage Site noong 1993.
Matagal nang isinusulong ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization o UNESCO at ng Pilipinas ang pangangalaga sa mga makasaysayang lugar upang mapanatili ang kultura at pamana ng bansa para sa susunod na henerasyon.
Bahagi ang pagbisita ni Guterres sa kanyang mga aktibidad habang nasa Pilipinas para sa ASEAN Summit 2026.










