Cauayan City, Isabela-Arestado ang isang dating miyembro ng Philippine Army at isang barangay kagawad sa isinagawang entrapment operation ng mga otoridad kahapon ng umaga sa isang fast-food chain sa Barangay Rizal, Roxas, Isabela.
Kinilala ang mga suspek na sina Daniel Garcia, 49 anyos, may asawa at Barangay Kagawad ng Villanueva, San Manuel at Jefferson Balurin, 32 anyos, dating sundalo at residente ng San Francisco, San Manuel sa Isabela.
Sa ulat ng Roxas Police Station, dumulog sa kanilang himpilan ang biktimang nagpakilalang si Deslyn Llanes, 21 anyos, anak ni Jometes Llanes na may-ari umano ng lupang pinag-aagawan at residente ng San Antonio, Roxas, Isabela kung saan inireklamo nito ang mga suspek na humihingi umano ng tatlumpung libong piso (P30,000.00) upang itigil ng mga ito ang pagbabakod sa naturang lupa.
Bukod rito, ipinangako umano ng mga suspek na ibibigay sa biktima ang titulong hawak nila kapalit ng nabanggit na halaga.
Ang pagpapatayo ng bakod ay iniutos umano ng nagngangalang Romeo Llanes, isa sa mga nakikipag-agawan sa lupa at kapatid rin ng mga nagrereklamo.
Kaugnay nito, agad na nagkasa ng entrapment operation ang pinagsanib na pwersa ng Roxas Police Station, Isabela Police Provincial Office at Provincial Intelligence Unit, Isabela PPO na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.
Nakumpiska mula sa mga ito ang isang pirasong Php1,000.00 bill; dalawampu’t siyam (29) na piraso ng Php1,000.00 na boodle money; at dalawang cellphones.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong Robbery Extortion na kasalukuyang nasa kustodiya ng mga kapulisan.