Monday, November 9, 2026

Davao City assessor na testigo ng depensa, binalaan ng ilang senator-judge na posible siyang ma-cite in contempt ng Impeachment Court

Binalaan ng ilang mga senator-judges si Davao City Assessor Engr. Jaime Adalin na maaari siyang ma-cite in contempt ng Senate Impeachment Court sakaling mapatunayan na nagsisinungaling.

Kaugnay na rin ito ng naging pagtatanong ni private prosecution lawyer Atty. Benjamin Tolosa kay Adalin kung isa siya sa mga local government unit officials ng Davao City na bumyahe sa China noong November 2025 na layong masuri ang kredibilidad ng testigo ng depensa.

Ang naturang biyahe ay tinukoy ni Tolosa na “all-expense paid” o sinagot lahat ang gastos ng Chinese consulate.

Sinagot naman ni Adalin na sa tingin niya ay “irrelevant” ang tanong ni Tolosa na siya namang tinawanan ng ilan sa mga dumalo sa impeachment trial at maging ng panig ng prosekusyon ay nagulat at natawa sa sagot ni Adalin.

Sinabi ni Tolosa na “evasive” o umiiwas sa tanong si Adalin na inalmahan naman ng depensa at hiniling na ipa-strike off the record ang “evasive” na salita pero hindi naman ito pinayagan ng Impeachment Court.

Gayunman, pinaalalahanan ni Senator-judge Erwin Tulfo si Adalin na siya ay “under oath” at huwag gawing kengkoy ang kanyang testimonya dahil posible siyang mapa-cite in contempt.

Idiniin ni Tulfo na may katapat na consequences ang pagsisinungaling at seryoso rin ang mga tanong sa kanya kaya dapat sagutin ito ng maayos.

Dagdag naman ni Senator-judge Tito Sotto III, maaaring kumpirmahin sa Bureau of Immigration kung totoong bumyahe noong Nobyembre ng nakaraang taon si Adalin para mapatunayan ang credibility nito bilang witness.

Facebook Comments