Naging emosyonal ang pagdalaw ni Senator Leila de Lima sa kaniyang ina na may sakit sa Iriga City, Camarines Sur nitong Huwebes.
“Meron pong umiiyak. Ang sabi ni Leila sa kanila, sa aming mga kapatid, ayaw niyang makitang umiiyak kami dahil this is not a sad day,” ani Vicboy de Lima, kapatid ni Leila.
“This is a good day for her. Makikita niya ang nanay namin,” aniya.
Ayon kay Vicboy, simula noong bata pa lamang si Leila ay malapit na ito sa kanilang ina.
“Ayaw umalis ni Leila sa tabi ng nanay namin. And then yung nanay namin, palagi niyang sinasabi, ‘Payabatay ika. Diri mo ko bayaan.’ In Tagalog, ‘Mahal kita. Huwag po akong iwanan,” pahayag ni Vicboy.
Nagpapasalamat din ang pamilya De Lima sa Regional Trial Court pagpayag nito na mabisita ni Leila ang ina at sa Philippine National Police (PNP) para sa seguridad.
Dagdag ni Vicboy, nagpapasalamat din sila sa mga kamag-anak at taga-suporta na hinintay ang araw na magkakasama silang apat na magkapatid para sa ina.
“We always believe that the more people know about the truth, the better for us, the better for Leila,” aniya.
Inaresto si De Lima, kilalang kritiko ni Duterte, dahil sa drug charges noong Pebrero 27, 2017.