
Muling nagpaalala ang Bureau of Immigration (BI) sa lahat ng mga banyaga kaugnay sa deadline ng annual report ngayong taon.
Sinabi ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado na sa Marso 1 ang huling araw na palugit para makumpleto ang kanilang 2026 Annual Report.
Ang requirement ay para sa mga foreign national na may hawak na immigrant at non-immigrant visas na naisyuhan ng Alien Certificate of Registration Identity Cards (ACR I-Cards).
Sinabi ni BI Alien Registration Division Chief Atty. Jose Carlitos Licas, Jr. na puwede ring mag-comply ang mga foreign national ng kanilang requirement sa pamamagitan ng online platform ng BI na e-services.immigration.gov.ph
.
Ang Annual Report processing para sa BI Main Office sa Intramuros ay isinasagawa naman sa Robinsons Place Manila (3rd Level, Center Atrium) mula alas-9:00 ng umaga hanggang alas-6:00 ng hapon mula Lunes hanggang Biyernes, maliban sa mga holiday.
Ang mga kuwalipikadong banyaga ay puwede ring maghain ng Annual Report online sa pamamagitan ng BI e-services platform at puwede ring magbayad sa pamamagitan ng Maya, GCash, credit card, o Landbank.
Paliwanag ng BI, napakahalaga ng Annual Report para matiyak na ligal ang pananatili, mapanatiling updated ang talaan ng mga rehistradong dayuhan (may ACR I-Card), at sumunod sa RA 562 o Alien Registration Act.
Ang hindi pag-uulat ay maaaring magresulta sa multa, pagkakakulong, o deportation.










