Umaapela si House Speaker Lord Allan Velasco sa Department of Transportation (DOTr) na palawigin pa ang deadline ng pagkakabit ng radio-frequency identification (RFID) stickers sa mga sasakyan.
Hiling ni Velasco sa DOTr, i-extend hanggang sa unang quarter ng 2021 o hanggang March 31, 2021 ang installation ng RFID stickers upang mabigyan ng sapat na panahon ang mga motorista lalo’t limitado pa rin ang paggalaw ng mga tao dahil sa COVID-19 pandemic.
Sa tantya kasi ng Speaker, hindi kakayanin na makapagparehistro at magpakabit ng RFID stickers ang lahat ng 6.1 million na registered vehicles sa Metro Manila, Central Luzon at CALABARZON hanggang January 11, 2021.
Dapat aniyang ikunsidera ng DOTr na hindi lahat ng motorista ay makakalabas agad ng mga tahanan para makapagpalagay ng RFID.
Ginawa ni Velasco ang panawagan sa DOTr matapos makaranas ng pagsisikip sa trapiko ang mga motorista kasunod ng implementasyon ng cashless payment sa lahat ng mga expressways nitong December 1.