Arestado ang isang lalaki sa Florida matapos madiskubre ang mga nakatagong droga sa pribadong bahagi ng kaniyang katawan–sa puwet.
Ayon sa Facebook post ng Flagler County Sheriff’s Office, sinita ang suspek na si Derick McKay, 36, dahil sa overspeeding, nitong Huwebes, Hulyo 11.
Isang deputy ang nakapansin na amoy marijuana sa sasakyan ng suspek, ngunit itinanggi nitong mayroon siyang dala-dalang kahit anong ipinagbabawal.
Inaresto muna si McKay dahil sa suspendidong lisensya, at nang kapkapan, nakaramdam umano ang deputy ng kakaibang bagay malapit sa puwet ng suspek.
Binalaan ito ng deputy na mabigat na krimen ang pagdadala ng narcotics sa kulungan, ngunit nagmatigas ang suspek na tanggalin ang mga ipinagbabawal.
Nang dalhin sa presinto at mabigyan ng huling babala, inilabas din ni McKay ang mga nakatagong kontrabando sa kaniyang puwet.
Nakuha mula sa puwet ng suspek ang isang balot ng cocaine, crack, walong pakete ng heroin, dalawang balot ng ethylone, marijuana, 12 Lortab pills at 12 Oxycodone pills.
Bukod sa pagmamaneho na may suspendidong lisensya, sinampahan ng patong-patong na kaso na may kinalaman sa narcotics si McKay na dinala sa Sheriff Perry Hall Inmate Detention Facility.
Napag-alaman na dati nang naaresto ang suspek dahil din sa droga noong 2008.