Manila, Philippines – Naniniwala ng Palasyo ng Malacañang na magdedesisyon na si Pangulong Rodrigo Duterte mamaya kung sususpindihin o hindi ang pagpapataw ng excise tax sa petrolyo para sa susunod na taon.
Ito ang sinabi ng Malacañang matapos ang pahayag ng economic managers ni Pangulong Duterte na inirerekomenda nila ang pagpapatuloy ng paniningil ng excise tax sa susunod na taon na kabaligtaran naman ng una nilang naging rekomendasyon.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, sa gaganaping cabinet meeting ay isa ang issue na ito sa mga posibleng mapag-usapan.
Hindi naman masabi ni Panelo kung ano ang posibleng maging desisyon ni Pangulong Duterte at mas magandang hintayin nalang aniya ang anunsiyo ng palasyo ukol dito.
Binanggit din ni Panelo na ilan pa sa mga posibleng mapag-usapan sa cabinet meeting mamaya ay ang mga usaping natalakay sa ASEAN meeting Singapore, oil price.
Wala naman aniya sa agenda ang issue ng pagpapalawig sa martial law sa Mindanao pero posible naman aniya itong mabuksan.