Del Rosario, nagbigay ng diplomatic options para mapigilan ang presensya ng China sa WPS

Nagbigay ng listahan ng diplomatic options si dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario para sa pamahalaan sa kung ano ang dapat gawin nito para hadlangan ang malaking bilang ng mga barko ng China na namamalagi sa West Philippine Sea.

Ayon kay Del Rosario, dapat inasahan na ng Pilipinas ang presensya ng maraming bilang ng mga barko ng Tsina lalo na at bahagi ito ng kanilang “expansionist” policy.

Tiwala si Del Rosario na na-evaluate na ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. ang ilang sumusunod na options:

– Maghanda ng strategic plan para gawing internationalize ang isyu sa West Philippine Sea
– Makipagtulungan sa mga like-minded nations
– Bumuo ng “menu” ng mga bagay na dapat gawin at kung paano ito ika-calibrate. Isa sa posibleng hakbang ay ang pormal na pag-aabiso sa United Nations sa pamamagitan ng Secretary-General.
– I-convert ang diplomatic notes ng bansa bilang “pointed”, “direct” at “purposive”.
– Magkaroon ng plano para iakyat ang reklamo ng Pilipinas sa UN General Assembly sa Setyembre para humingi ng suporta sa iba pang mga bansa na pagsabihan ang China na sundin ang 2016 Arbitral Award.
– Pauwiin ang Philippine Ambassador to Beijing
– Ikonsidera ang pag-aatas sa service posts na bumisita sa kanilang host governments para magpaliwanag sa kung ano ang nangyayari sa China
– Pagdedeklara sa isang Chinese Official ng persona non grata tulad ng isang intelligence personnel o sinumang tagapagsalita.

Una nang sinabi ni Del Rosario na hindi dapat sa kanya isinisisi ng Duterte Administration ang nangyaring pag-alis sa mga barko ng Pilipinas sa Panatag Shoal sa nangyaring standoff noong 2012.

Facebook Comments