Manila, Philippines – Ilang minuto matapos ang kilos protesta ng ilang mga Public School Teachers, ang grupong Alliance of Health Workers naman ang sumugod sa tanggapan ng Department of Budget and Management (DBM) sa Maynila.
Hawak ang malalaking banner at mga placards, naniningil ang grupo sa delayed benefits nila partikular na ang performance-based bonus nila na dapat sa ay 2016 pa ibinigay pero 2018 na ay wala pa rin.
Kinalampag ng grupo ang gate at humiga rin sila sa kalsada para ipakita ang kanilang pagkadismaya, kasabay ang panawagan na taasan din ang kanilang sweldo, taasan ang budget pangkalusugan para sa public hospitals at itigil na ang kontraktuwalisasyon.
Ayon kay Alliance Health Workers National President, Robert Mendoza dapat ay prayoridad din na taasan ng pamahalaan ang sweldo ng mga health workers dahil sila ay isa sa mga nangunguna na nagsasalba sa buhay ng mga pasiyente.
Giit pa ng grupo na kung nakapaglaan nga ang pamahalaan ng budget na 3.5 billion pesos para sa Dengvaxia, at 57 billion pesos sa PhilHealth, dapat ay maglaan din ng budget para sa mga health workers.
Nagbanta pa ang grupo na kapag hindi sila pinakinggan ng gobyerno sunod-sunod din ang mga ikakasa nilang mga kilos -protesta.