Cauayan City, Isabela- Umaasa ang mga Isabeleño na maiuuwi ng mga delegado mula Isabela ang kampyonato sa larong Baseball bilang kinatawan ng Pilipinas na gaganapin bukas sa bansang Japan na layong mapalakas pa ang kakayahan ng mga kabataan sa larangan ng isports.
Sa naging panayam ng 98.5 Ifm Cauayan kay Ginang Ruth Gamboa, Assistant Coach ng Baseball Team, may kabuuang 15 na kabataang delegado mula sa iba’t ibang bayan ng Isabela gaya ng Divilacan, Benito Soliven, Naguilian, Roxas at Cauayan City at ilang mga opisyal na kasama sa delegasyon ng Pilipanas.
Ito ay bahagi ng Qualifier Round ng nasabing kompetisyon na sakaling manalo ang delegasyon ay sila ang magiging kinatawan ng Pilipinas para sa Pony World Cup 2019 na idadaos sa bansang Pennsylvania, USA sa huling araw ng buwan ng Agosto.
Magtatagisan ng galing ang ilang bansa sa nasabing kompetisyon gaya ng Thailand, Chinese Taipei, HongKong, Malaysia, Singapore, Pakistan at Japan.
Nagpasalamat naman si Coach Gamboa sa ilang mga tulong pinansyal mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela sa pangunguna ni Governor Bojie Dy at mula sa City Government of Cauayan sa katauhan ni Mayor Bernard Faustino Dy na umabot na sa isang milyon at dalawandaan libong piso (P1,200,000.00) at ilang tulong pa mula sa pribadong sektor.
Hiling ni Coach Gamboa na ipagdasal ang delegasyon ng Pilipinas sa pag uwi ng kampyonato at sakaling manalo ay mananatili na ang delegasyon ng Pilipinas hanggang Agosto bilang paghahanda sa Pony World Cup 2019