Ang mas nakahahawang Delta Coronavirus variant na ang pinakamaraming variant na na-detect sa bansa.
Sa press conference sa Malakanyang, sinabi ni Philippine Genome Center Executive Director Dr. Cynthia Saloma na naungusan na ng Delta variant ang iba pang variants sa Pilipinas tulad ng Alpha at Beta.
Ayon kay Dr. Saloma, kung dati ang Beta at Alpha ang pinakamarami nilang nase-sequence sa Phil. Genome Center pero ngayon, karamihan sa mga sample na kanilang nase-sequence ay Delta variant na.
Una nang sinabi ng Department of Health (DOH) na lahat ng rehiyon sa bansa ay nakitaan na ng Delta variant liban na lamang sa CARAGA region.
Sa ngayon, nasa 807 Delta cases na ang naitala sa Pilipinas.
Sa nasabing bilang, 771 ang nakarekober, 17 ang nasawi at 14 ang active cases.
Matatandaang inihalintulad ng mga eksperto ang Delta variant sa chickenpox o bulutong na highly contagious.