Delta variant, Pinangangambahang Makapasok sa Region 2 dahil sa dami ng COVID-19 cases

Cauayan City, Isabela-Bubuksan ang karagdagang pasilidad sa Tuguegarao City na magsisilbing kwarto ng mga pasyenteng papagaling na mula sa sakit na COVID-19.

May 110-bed capacity ang naturang pasilidad upang makatulong sa sitwasyon ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) na punuan na dahil sa dami ng mga tinamaan ng virus.

Inihayag ni CVMC Medical Center Chief Dr. Glenn Mathew Baggao ang hakbang ng ospital upang maiwasan ang mataas na bilang ng mga pasyenteng nasa pagamutan sa kasalukuyan.


Ayon kay Dr. Baggao, magsisilbi itong quarantine facility para sa mga pasyenteng kukumpleto na lamang ng kanilang quarantine period bago tuluyang mapauwi sa ka nilang mga tahanan.

Samantala, nagdagdag na ng 50-beds sa COVID ward ang CVMC upang mabigyan ng maayos na sitwasyon ang mga pasyente sa harap ng dumaraming kaso ng virus sa ospital at halos sa mga pribadong sasakyan na ang nagsisilbing kwarto ng mga pasyente.

Inihayag rin ni Dr. Baggao na pinangangambahan ngayon ang posibleng pagpasok sa rehiyon ng Delta variant dahil sa biglaang pagdami ng kaso ng COVID-19.

Sa kasalukuyan aniya ay nasa 194 na ang pasyenteng nasa pangangalaga ng ospital, mas marami mula sa orihinal na 150 bed capacity.

Ang karagdagang 50 beds ay inilaan aniya sa Intensive Care Unit (ICU) para sa mga kritikal na kondisyon ng pasyente.

Tiniyak naman niya ang sapat na suplay ng oxygen tanks, mga gamot, ventilators at iba pang mga pangangailangan ng pasyente.

Facebook Comments