Manila, Philippines – Hindi tinanggap ng panel of prosecutors ng Department of Justice (DOJ) ang salaysay ng isang pathologist na isinumite ni Dating Health Secretary Janet Garin bilang ebidensya sa reklamong kriminal na inihain laban sa kanya ng mga kaanak ng mga batang namatay matapos maturukan ng Dengvaxia.
Ibinasura ng panel ang motion to admit as evidence na inihain ni Garin para pormal na tanggapin ang salaysay ng isang Dr. Raymundo Lo.
Ayon sa panel, masyado nang huli ang pagsusumite ng affidavit at ito ay mas akma na maihain sa pagdinig sa hukuman at hindi sa preliminary investigation.
Nakapagsumite na rin daw kasi ng rejoinder si Garin.
Si Garin ay kasama sa mga respondent sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide, torture, obstruction of justice at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Una nang naghayag ng pagtutol ang Public Attorneys Office (PAO) sa affidavit ni Dr. Lo dahil ito ay mas dapat na dinggin sa isang “full blown trial.”