Hamak kung ituring pero maaasahan, ‘yan kung tawagin ang “habal-habal”, ang poor man’s motorcycle taxi.
Pero ngayon, magiging partner na ito ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) para mapanatili ang kalinisan.
Plano kasi ng DENR na gamitin ang habal-habal bilang innovative solution sa problema ng garbage collection sa mga komunidad na nasa tabi ng estero.
Ayon kay DENR Secretary Roy Cimatu, mga habal-habal ang kukuning taga-kolekta ng basura sa mga lugar na hirap marating ng dump trucks.
Sa pamamagitan nito, maiiwasang itapon na lang ang mga basura sa ilog at mapupunta lang sa nilinis na Manila Bay.
Ani Cimatu, magdi-distribute ang DENR ng habal-habals sa sampung barangay na sakop ng Tullahan-Tinajeros River System.
Kinabibilangan ito ng Barangays 160, 162 at 163 sa Caloocan City; Potrero, Catmon, Tinajeros, at Maysilo sa Malabon City; Ugong at Marulas sa Valenzuela City; at Sta. Lucia sa Quezon City.