DENR, inirekomenda ang widening sa Marikina River

Inirekomenda ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na palawakin ang Marikina River.

Ayon kay Environment Secretary Roy Cimatu, kailangang maitaas ang flood carrying capacity ng ilog para maiwasan ang mga pagbaha sa lungsod at mga katabing lugar.

Napansin ni Cimatu na ang river channel ay makitid kaya ipinapanawagan niya ang mahigpit na pagpapatupad ng easement requirements lalo na sa mga ilog.


Sa ilalim ng Presidential Decree 1067, o Philippine Water Code ay mangangailangan ng riverbank easement ng tatlong metro sa urban areas.

Bilang bahagi ng planong rehabilitasyon, sinabi ni Cimatu na i-e-evaluate ng DENR ang pagbabago sa lawak ng Marikina River batay sa datos mula sa National Mapping and Resource Information Authority.

Sisilipin din nila ang mga reklamo ng Marikina City Government hinggil sa reclamation project sa ilog na hindi nakakuha ng Environmental Compliance Certificate (EEC) mula sa ahensya.

Si Cimatu at si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar ang itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang mga pinuno ng Build Back Better Task Force sa ilalim ng Executive Order 120.

Facebook Comments