Pinakikilos ni House Deputy Majority Leader at Iloilo Rep. Janette Garin ang Department of Environment and Natural Resource (DENR) para tugunan ang nagiging problema ng ilang Local Government Units (LGUs) ukol sa hindi nakokolektang healthcare waste mula sa kanilang mga preliminary treatment at storage facility.
Sabi ni Garin, patuloy ang pagdami ng basura dulot ng COVID-19 at sa katunayan, noong nakaraang taon ay nasa 634,687.73 metriko toneladang healthcare waste ang nakolekta o katumbas ng 52,890 metriko tonelada kada buwan na mataas ng halos 500% kumpara sa nakokolektang medical waste bago ang pandemya.
Ayon kay Garin, dahil sa dami ay may ilang lokal na pamahalaan ang hindi agad nakakapagtapon ng kanilang medical waste sa mga sanitary landfill dahil walang kumukuha na dapat aksyunan ng DENR dahil delikado sa kalusugan ng mamamayan.
Diin ni Garin, sa ilalim ng Waste Management Program ng DENR ay binibigyan ng pondo ang ilang LGUs lalo sa mga nasa remote areas para sa pagpapatayo ng kanilang sariling special waste facilities na gagamitin bilang temporary at transit point para sa COVID-19 related healthcare waste bago ito ibiyahe patungo sa treatment, storage and disposal facilities.
Binanggit ni Garin, ang COVID-19 Healthcare Waste Program para sa mga LGU ay para lamang sa medical waste na nakokolekta sa mga kabahayan, vaccination sites at quarantine facilities.
Hindi aniya kasama dito ang mga medical waste na nanggagaling sa mga ospital na direkta nang hinahakot ng treatment, storage and disposal facilities patungo sa mga landfills.