Magsasagawa ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng Intensified Compliance Monitoring (IMC) measure upang mapalakas ang water quality management.
Partikular dito ang paghanap sa mga pinanggagalingan ng untreated wastewater at sewage na lumalabas sa Manila Bay.
Isasagawa ang IMC upang matiyak na sumusunod ang mga establisyemento sa environmental laws tulad ng Republic Act (RA) 9275 o ang Philippine Clean Water Act of 2004, RA 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000 at ang Presidential Decree 1586.
Ang mga pasaway na establisyemento ay maparurusahan kapag natukoy at naberipika na sa kanila galing ang illegal pipes.
Ginawa ni DENR Acting Secretary Jim Sampulna ang pahayag matapos madiskubre ang mas marami pang illegal discharges ng wastewater na nagiging dahilan ng kontaminasyon ng tubig sa Manila Bay.
Ayon kay Sampulna, nakatutok ang gagawing monitoring sa pagsasaayos ng water quality kung saan target ng DENR na maging swimmable ang Manila Bay sa pagtatapos ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.