DENR Sec. Cimatu, Ipinag-utos ang Relokasyon sa mga Naninirahan malapit sa Minahan sa Nueva Vizcaya

Cauayan City, Isabela- Bumisita at Pinangunahan ni DENR Secretary Roy Cimatu ang Consultation Meeting kasama ang mga Provincial at Local Chief Executives mula sa lalawigan ng Nueva Vizcaya, Isabela, Cagayan at Quirino.

Ito ay makaraang talakayin ang mga nangyaring pinsala sa malawakang pagbaha bunsod ng pag-uulan dahil sa halos magkakasunod na epekto ng kalamidad sa malaking bahagi ng rehiyon dos.

Kinuwestyon naman ng kalihim kung bakit may ilang bayan pa sa Cagayan ang hindi nagnonormalize ang suplay ng tubig na dahilan ng kawalan ng malinis na inuming tubig ng mga residente.


Bukod dito, humingi naman ng tulong na muling mailapit sa pamunuan ng DPWH ang alkalde ng bayan ng Sta. Praxedes dahil sa sitwasyon sa kanilang lugar tuwing nakakaranas ng kalamidad dahilan para humambalang ang mga lupa mula sa pagguho ng kabundukan sa mga pangunahing daan.

Inihayag naman ni Quirino Governor Dakila Carlo Cua na ang Barangay Pugo sa bayan ng Nagtipunan ay nakaranas ng pagguho ng lupa kung kaya’t hindi na matirahan pa ng tinatayang nasa 200 pamilya na kasalukuyang mga nasa evacuation centers sa ngayon.

Inatasan naman ng kalihim ang Mines Geosciences Bureau (MGB) na magsagawa ng plano para sa relokasyon ng mga residenteng naninirahan sa mga apektadong lugar partikular malapit sa isang minahan sa bayan ng Quezon Nueva Vizcaya.

Matatandaang na sampu ang naiulat na namatay matapos na matabunan sa naganap na landslide malapit sa mining site sa nasabing lugar sa kasagsagan ng pag-ulan dahil kay bagyong Ulysses.

Ayon kay Governor Carlos Padilla, nasa 200 pamilya ang naninirahan malapit sa minahan.

Facebook Comments