Dumipensa ang Department of Education (DepEd) sa pagbili ng sasakyan para sa mga engineers nito.
Ayon kay Education Undersecretary for Administration Alain Pascua, bahagi ito ng kanilang hakbang para mabigyan ng mas epektibo at mabilis sa paghahatid ng serbisyo sa mga guro at estudyante.
Paliwanag pa ni Pascua, ang mga nasabing sasakyan ay binili bago nangyari ang pandemya at nang ipapamahagi na nila ito ay nagdeklara ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ang mga sasakyan aniya ay ginamit para ihatid ang mga frontliner lalo na ang mga guro at pagpapadala ng modules at ginamit din sa pagtugon sa mga kalamidad.
Akma ang 4-x-4 pick up sa pangangailangan ng field engineers para sa kanilang inspeksyon sa school building programs lalo na sa mga malalayong lugar.
Sinabi naman ni Education Undersecretary for Finance Annalyn Sevilla, ang mga nasabing sasakyan ay naka-budget sa mga nagdaang taon o sa ilalim ng 2018 at 2019 General Appropriations Act.
Dagdag pa ni Sevilla, ang pagbili sa mga nasabing sasakyan ay resulta ng open-bidding procurement.
Puna ni ACT Secretary General Raymond Basilio, ang pondong pambili ng sasakyan ay inilaan na lang sana sagutin ang ginagastos ng mga guro lalo na sa bond paper, ink, devices at internet connectivity.
Nabatid na inulan ng batikos ang ahensya matapos i-anunsyo ang pagbili ng nasa 254 pick-ups at iba pa.