DepEd, hinimok na ipagpaliban muna ang pasukan ngayong taon

Kinalampag ngayon ni Ang Probinsyano Partylist Representative Ronnie Ong ang Department of Education (DepEd) na tuluyang i-postpone ang pasukan ngayong School Year 2020-2021.

Giit ni Ong, ang bansa ay hindi talaga handa na mag-shift sa e-learning system, hindi tulad sa mga first world countries na mabilis ang internet at nakakabili agad ng gadget ang mga magulang para sa mga anak na gagamitin sa pag-aaral.

Sinabi ng mambabatas na higit na mahihirapan dito ang mga estudyanteng probinsyano at mga nakatira sa malalayong lugar na walang signal, walang internet at hindi rin makabili ng smartphones, tablets o laptops na gagamitin sa online learning.


Nababahala din si Ong na bumaba ang kalidad ng edukasyon dahil sa kawalan ng kahandaan sa pagsasagawa ng online classes at kakulangan sa training ng mga guro para sa bagong sistema ng pagtuturo.

Dapat aniyang ipagpaliban muna ng DepEd ang klase ngayong taon nang walang pag-aalinlangan dahil hindi talaga handa ang education sector na magsagawa ng virtual classes.

Facebook Comments